29

May 4, 2021 @ 11:43
By

Drilon: Saan napunta P10B pondo ng NTF-ELCAC?

Kinuwestiyon ni Senate Minority Leader Franklin M. Drilon ang spending priority ng gobyerno sa gitna ng pandemya at pagpuna sa pagbigay ng prayoridad paglabas ng pondo sa kontrobersyal na anti-insurgency program.

Sa datos ng Department of Budget and Management (DBM), sinabi ni Drilon na umabot na sa P10.68 bilyon ang kabuuang pondong nailabas para sa National Task Force to End Local Communism and Armed Conflict (NTF-ELCAC) nitong Abril 2021.

Ang NTC-ELCAC ay may total budget na P18 bilyon sa ilalim ng 2021 General Appropriations Act kung saan P16.4 bilyon ay mapupunta sa Barangay Development Program kung saan mahigit 8,000 barangay ay tatanggap ng P20 milyon bawat isa.

Sabi ni Drilon, bagama’t hindi pa napopondonan ang P8,000 ayuda para sa mga manggagawa ng pribadong sektor, nakatanggap na NTF-ELCAC ng P10.68 bilyon kung saan P7.54 bilyon nito ay naibigay na noong Abril sa kasagsagan ng batikos laban sa pag-red-tag ng task force sa mga organizer ng community pantry.

“Bakit po parang nagmadaling ilabas ang budget? Bakit yung pondo sa Marawi rehabilitation mabagal ang paglabas ng pondo? Saan po gagamitin itong P10.68  bilyon?” tanong ni Drilon.

Noong Marso 24 unang nakatanggap ang NTF-ELCAC na P3.14 bilyon para sa kanilang mga programa.

“Defeating the virus and addressing the effects of the pandemic such as unemployment and hunger should be our priority. There are 62 percent Filipino households who experienced hunger due to COVID-19 pandemic,” sabi ni Drilon.

“There are 4.4 million Filipino who lost their jobs in 2020. Yet, the government is giving priority to NTF-ELCAC’s anti-insurgency program rather than use the funds to expand ayuda, buy vaccines and feed the poor,” saad pa nito.

Kinuwestiyon din ni Drilon ang kawalan ng transparency sa pondo ng NTF-ECLAC kasabay ng muli niyang panawagan para sa pagsumite ng quarterly report sa paggamit ng pondo ng naturang task force.

Kailangan din umanong gawin ang Senado ang kanilang tungkulin na busisiin ang paggamit NTF-ELCAC sa kanilang pondo.

“Saan po ba napunta ang P10.68 billion? Anong barangay? Anong siyudad o bayan ang nakinabang dito? In the spirit of transparency, let us publish the data and inform the public,” ayon kay Drilon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?