133

Jun 13, 2021 @ 14:30
By

Drilon kay Cusi: Huwag na magturo, solusyonan na ang kulang na energy supply

Hindi sang-ayon si Senate Minority Leader sa panukala ng Department of Energy (DOE) na muling ibalik sa gobyerno ang kontrol sa power grid ng bansa.

“Ako hindi ako sang-ayon doon. Matagal na ako sa gobyerno. Alam ko how inefficient the government is. Walang pananagutan sa taumbayan kadalasan,” pahayag ni Drilon sa panayam sa DZBB.

Sabi ng minority leader, ang kailangan lang ay close supervision para matiyak na hindi kukulangin ang suplay ng kuryente lalo na sa panahon ng tag-init.

“Kaya sa akin, ang kailangan dito ay closer supervision ng DOE. Halimbawa, nagkukulang tayo sa supply, wala naman sa distribution. Bakit kulang ang supply?” tanong ni Drilon.

“Sa ngayon pa lang, mayroon naming datos kung magkano ang kailangan natin five years from now. Bakit hindi gawan ng paraan para mahikayat yung private sector na magtayo ng generation unit o power plant?” dagdag pa nito.

“Huwag natong magturo. Gawan natin ng paraan. Sa akin, ang solution, tanungin natin kung bakit kulang ang supply? Isa lang ang planta na masira, grabe ang epekto sa ating ekonomiya. Saan ba nagkukulang ang DOE?” ani Drilon.

“Hindi ako sang-ayon na ang gobyerno muli ang magpapatakbo sa power industry. Sa akin, ayung system ngayon ang kailangan ayusin kung paano magkakaroon ng sapat na supply, paano magkakaroon ng reserved power supply, para kung may masiraan na planta, mayroon pa ring sapat na supply.”

Ayon pa kay Drilon, dapat tingnan din ang insentibong maaaring ibigay para mahikayat ang pribadong sektor sa pagtatayo ng mga power plant.

“Magkano ang pangangailangan natin five years from now including reserve. Tingnan natin kung ano ang insentibo na pwede nating magawa para maengganyo ang private sector para magtayo ng mga power plant. Pagdating ng limang taon, kung wala tayong forward planning, lalo tayong mahihirapan,” sabi ni Drilon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?