75

By

Drayber napagkamalang snatcher, ginulpi ng mga lasing

Lupaypay ang isang company driver na nasa kritikal na kundisyon ngayon matapos na pagtulungang gulpihin ng grupo ng mga kalalakihang lasing matapos na mapagkamalang snatcher sa Lungsod ng Caloocan.

Sa ulat ng Caloocan City Police Community Precinct III ay ganap umanong alas-8 pasado ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Phase 7B Road, Pagasa, Barangay 176, Bagong Silang ng nasabing lungsod, kasalukuyan umanong nag-aabang ng masasakyan ang biktimang si Roylan Joseph Dela Cruz Jr., 42-anyos, company driver ng Quirino Highway, Pangarap Village, Barangay 181 ng nasabing lungsod kasama ang iba niyang kamag-anakan.

Doon na siya nilapitan ng isang hindi pa nakikilalang lalaki at sinabihan siyang babarilin sabay alis, ilang sandali pa ay isang grupo ng kalalakihan ang dumating at dahil sa takot ay nagtatakbo ang biktima at iniwan ang kanyang mga kasama hanggang sa may magsisigaw na snatcher umano ang biktima.

Nang marinig iyon ng mga suspek na nagiinuman noon at mga lasing nang sina Nerven Gabay, 30-anyos; Joel Caliquiran; Walter Marquez at si Jay-Ar Mantarin mga residente rin ng nasabing lugar ay agad nilang hinabol ang biktima at nang maabutan ay doon na inumpisahang gulpihin.

Lantang gulay na noon ang biktima nang dumating ang kanyang mga kaanak na kasama niyang nagaabang ng masasakyan at inawat ang mga suspek saka sinabing hindi ito snatcher, agad namang nakaresponde ang mga tauhan ng PCP III at naaresto si Gabay ngunit nakatakas na ang kanyang mga kasamahan na pinaghahanap na sa ngayon.

Agad ding naisugod sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital ang biktima na inoobserbahan ang kalagayan ngayon, nakatakda namang sampahan ng kasong serious physical injuries si Gabay at mga kasamahan niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?