224

Aug 18, 2021 @ 14:48
By

Drama ni Duque waepek sa ilang senador

Sa halip na magpaliwanag, tila nagpapanic umano si Health Secretary Francisco Duque III matapos nitong akusahan ang Commission on Audit (COA) na nangwawarak sa ahensya kasunod ng inilabas nilang audit report, ayon kay Senate President Vicente Sotto III.

“Panic reaction pag ganyan ang salita imbes na mag explika,” reaksiyon ni Sotto sa kanyang text message sa ABANTE.

Noong Martes naging emosyonal si Duque at sinabing naapektuhan umano ang mga opisyal ng DOH dahil sa inilabas na ulat ng COA tungkol sa umano’y deficiencies sa paggamit ng P67.3 bilyong pondo sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.

“Winarak na ninyo kami. Winarak ninyo ang dangal ng DOH. Winarak ninyo ang lahat ng mga kasama dito,” himutok ni Duque.

Subalit hindi naman kinagat ni Senador Francis “Kiko Pangilinan ang paandar na ito ng kalihim.

“Sabihin kaya niya yan sa milyon na nagkasakit, libu libong nakaratay sa ICU at libu libong namatayan dahil sa kanilang kapabayaan,” ayon kay Pangilinan sa kanyang text message sa pahayagang ito.

Sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee, iginiit ng mga senador kay Duque na hindi sinira ng COA ang DOH dahil ginagawa lang nito ang kanilang mandato.

“Hindi dapat tayo nagwawala na winarak sila. Sorry, Secretary Duque, I do not agree with your statement na winarak kayo,” sabi ni Sen. Richard Gordon, chair ng komite.

Binatikos din Senador Risa Hontiveros ang ginawang drama ng kalihim sa pagsabing hindi siya makatulog ng maayos dahil sa ginawang paninira ng COA.

“Lahat po tayo dito ay halos walang tulog, hindi po ito pa-contest kung sinong ahensya ang mas maraming ginagawa o kung sino ang pinakapagod at nakakaawa,” sabi ni Hontiveros sa kanyang opening statement.

“Kung may nawarak man ngayong panahon ng pandemya, ang nawarak ay ang kabuhayan at kinabukasan ng milyun-milyong ordinaryong mamamayan,” dagdag pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?