28

Jan 8, 2022 @ 8:43

Dra. Padilla sa DOH: Abot-kayang testing, telekonsulta dagdagan para kumalma ang publiko

Hinimok ni Partido Reporma senatorial candidate at health advocate Dra. Minguita Padilla ang Department of Health (DOH) na palawigin pa ang mga serbisyong telekonsulta upang mabigyan ng sapat na impormasyon ang publiko para maibsan ang kanilang takot at pangamba dahil sa muling pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ayon kay Dra. Padilla na tagapagsalita rin ng partido kaugnay sa mga usaping may kinalaman sa public health, sa ganitong paraan ay maiiwasang dumagsa ang publiko sa mga ospital na maglalagay sa kanila sa panganib na mahawaan ng COVID-19.

“Paramihin na lang sana ‘yung mga hotline [o] ‘yung mga teleconsult para sa ganoon… At gamitin ang mga barangay, involve the barangays sa teleconsultation. Mayroon mga barangay health workers, may mga doktor sa barangay, kaya naman nila e,” pahayag ni Dra. Padilla sa panayam ng SMNI News.

“Just instruct them anong sasabihin sa pasyente [at] anong gagawin para sa ganoon they don’t have to call ‘yung mga ospital at hindi na iisipin na susugod kaagad sa ospital. Baka doon pa kayo magkasakit, ano” aniya.

Iminungkahi rin ni Dra. Padilla na bukod sa pagbibigay ng bakuna kontra COVID-19, gawing abot-kaya sa lahat ng mga Pilipino ang mga home antigen testing kit at maglabas ang Food and Drug Administration (FDA) ng listahan ng mapagkakatiwalaang brand nito.

“Hindi lahat ay reliable. Kaya dapat sabihin ng FDA kung alin diyan ang pwede, tapos ibigay na sa barangay—make it available to the people. Doon mas ma-co-control natin ang movement, lalo na ng mga tao,” ani Dra. Padilla.

Payo naman ng batikang manggagamot sa publiko, “You watch out kung mayroon kayong maramdaman na kakaiba. Pero under ordinary circumstances, don’t panic. Mag-ingat pero hindi dapat mag-panic. ‘Yun ang importante.”

Sabi pa ni Padilla na founder ng Eyebank Foundation of the Philippines, matagal na niyang ginagawa ang pagtulong sa DOH at iba pang mga ospital at institusyon ng pamahalaan, bago pa man siya magdesisyong tumakbo bilang senador.

“Alam mo, marami akong kaibigan sa DOH. Tinutulungan ko sila ever since. Alam mo, kaming mga doktor tumutulong kami pero ang kulang talaga nila siguro ‘yung taong uupo sa harap ng camera at magsasalita sa bayan na hindi (sila) tinatakot. Tapos bibigyan sila ng pag-asa,” aniya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?