48

Jun 22, 2022 @ 19:01
By

Dr. Naty Castro pinapaaresto ulit – DOJ

Ipinag-utos ng isang korte sa Agusan del Sur na muling arestuhin si Dr. Natividad “Naty” Castro, kahit pa na-dismiss na ang mga kaso nitong kidnaping at serious illegal detention noong Marso.

Ayon sa court order na inisyu ni Executive Judge Ferdinand Villanueva ng Bayugan Regional Trial Court, kinatigan nito ang apela ng prosekusyon na baligtarin ang unang desisyon na nagdi-dismiss sa mga kaso ni Castro.

Noong Hunyo 16 inilabas ang bagong desisyon ng korte.

“Per court order dated 16 June 2022, an e-warrant of arrest will be issued against accused Dr. Maria Natividad Castro,” saad naman ng Department of Justice.

Noong Marso 25, dinismiss ng RTC Branch 7 ang mga kaso ni Castro dahil sa kawalan umano ng due process at kakulangan ng hurisdiksyon sa kanyang kaso.

Ngunit batay sa court order ni Villanueva, walang naganap na denial ng due process dahil nagkaroon ng preliminary investigation. Bukod pa rito, may hurisdiksyon na ang korte kay Castro dahil inaresto siya sa bisa na warrant of arrest.

Si Castro ay pinaghihinalaang kasapi ng komunistang grupo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?