405

Aug 1, 2018 @ 22:36
By

DPWH: Trabaho sa construction sector lumago

Ipinagmalaki ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na umakyat ng 468,000 ang mga bagong trabaho sa construction sector dahil sa mga bagong imprastraktura sa ilalim ng Build, Build, Build program ng pamahalaan.

Sinabi ni DPWH Sec. Mark Villar na malaki ang papel ng Department of Labor and Employment dahil binigyan sila ng listahan ng mga naghahanap ng trabaho at nagawang ihanap ang mga ito ng trabaho sa mga ginagawang infrastructure projects.

Ito aniya ang pinakamalaking naibigay na trabaho sa loob ng anim na taon sa construction sector dahil maraming mga proyektong ginagawa sa ngayon ang Duterte administration.

Ayon kay Villar, ang pinakamataas lang noon na naibibigay na trabaho ng DPWH ay nasa 200,000.

“Itong job creation po, hindi mangyayari po kung hindi po dahil sa leadership ng ating Secretary of Labor, dahil siya po ang nagbibigay sa amin ng listahan ng mga naghahanap ng trabaho para i-match namin sa mga job opportunities sa infrastructure sector. Kaya malaki po ang pasasalamat ko kay Secretary Bello, under his leadership talagang tumaas ang ating job creation – which is 468,000. Iyong binanggit niya pong 468,000 is more than double the historical average for the past six years,” ani Villar.

Bagama’t maraming mga nagawang proyekto, sinabi ni Villar na kailangang tuloy-tuloy lang ang pagpapahusay sa mga natapos nang proyekto para magawa lahat ang mga nakalinyang programa ng administrasyon.

Sinabi ni Villar na itinuturing nilang hamon sa kanila ang pressure mula kay Pangulong Rodrigo Duterte para maipagpatuloy na magawa ang mga importanteng proyekto sa ilalim ng Build, Build, Build program.

“We will continue to improve and I think that, you know it’s good that the President is keeping the pressure on us to continue perform, dahil napakaimportante po ng ating Build, Build, Build program. Napakalaki po ang kailangan – iyong mga problema natin sa traffic, sa disaster resiliency – kaya rest assured, this government is working 24/7 para mapabilis ang implementation,” dagdag pa ni Villar.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?