2,891

Jul 7, 2018 @ 13:46
By

DPWH Sec. Villar binalaan ni Duterte

Winarningan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang mga gabinete na pananagutin kapag may pumalpak sa kanilang trabaho.

Partikular na binalaan ng Presidente si Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Mark Villar kaugnay sa mga ginagawang malalaking proyekto ng gobyerno.

Sa kanyang talumpati kagabi sa selebrasyon ng National Science and Technology Week na ginanap sa Davao City, sinabi ng Pangulo na wala siyang nakitang mga proyekto na natapos sa takdang panahon at hindi nabalutan ng katiwalian.

Lahat aniya ng programa ng gobyerno ay iniimbestigahan kaya simula ngayon ay papanagutin ang mga kalihim na pumalpak o sumablay sa kanilang trabaho.

“I would like to call the attention of the secretaries, especially Secretary Villar, that if there is any slippage of any work of any kind by the national government. If you delay or if I see tomorrow, beginning tomorrow, and you are all invited to see me in Malacañan,” anang Pangulo.

Kapag aniya may palpak na trabaho sa mga highway, o nagkaroon ng slippage o pagkaantala ng trabaho at 20% pa lang ang natatapos ay agad na sisibakin nito ang city engineer at project engineers at kakanselahin ang kontrata.

Naiinis ang Presidente dahil ang dinadaanan aniya araw-araw ng mga tao ay hindi inaayos at marami ang nahuhulog at namamatay at kapag naulit ang ganitong insidente ay pagpapaliwanagin niya ang supervisor at secretary.

“Pag nahulog ka diyan, nabunggo ka, unlighted, uncovered, you sue the government. Sue the government and I will sue the supervisor and maybe ask the secretary ‘kindly explain to me kung bakit ganito ang sitwasyon’”dagdag ng Pangulo. ()

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?