307

Dec 11, 2017 @ 16:55
By

DPWH, may sariling imbestigasyon sa right-of-way scam

Magsasagawa ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng sarili nitong imbestigasyon sa nabunyag na P8.7 bilyong road right-of-way (RROW) scam.

Nauna nang inatasan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Vitaliano Aguirre II ang National Bureau of Investigation (NBI) para siyasatin ang nasabing scam na kinasasangkutan ng mga pekeng claims para sa RROW sa mga lugar sa General Santos City na pagtatayuan ng mga proyekto ng gobyerno.

Pero ayon kay Aguirre, sasaklawin ng imbestigasyon ng NBI ang posibilidad na umabot din ang scam sa iba pang lugar labas ng GenSan.

Nauna nang nakaladkad sa nasabing eskandalo sina dating DPWH Secretary Rogelio Singson at dating Department of Budget and Management (DBM) Secretary Florencio Abad, gayundin ang bayaw ni dating Pangulong Benigno Aquino III na si Eldon Cruz.

Ayon kay DPWH Undersecretary for Legal Affairs Karen Jimeno, maglulunsad din ang kagawaran ng kanilang sariling pagsisiyasat.

Nakaladkad na rin kasi sa eskandalo ang mga opisyal ng DPWH matapos silang pangalanan ng whistleblower na si Roberto Catapang Jr.

Partikular na pinangalanan ni Catapang na sangkot umano sa sindikato sina Engineer Rodel Unos ng DPWH Region 12 planning department; Reynaldo Tamayo, Regional Director ng DPWH Region 12 at Atty. Estrella Zaldivar ng DPWH Central Office Legal Department.

Itinanggi naman ni Zaldivar na sangkot siya sa nasabing modus operandi.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?