57

By

DPWH contracts ng pamilya ni Go, pinapausisa na ni Trillanes

Sharing is caring!

Inihain ngayong Miyerkoles, Setyembre 12, ni Senador Antonio Trillanes IV ang resolusyon na humihingi na imbestigahan ng Senado ang mga proyekto ng gobyerno na nakuha ng kamag-anak ng mga opisyal at kawani ng gobyerno.

Sa kanyang Resolution No. 889, pinasesentruhan ni Trillanes ang multi-bilyong pisong road construction projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nakorner umano ng ama at kapatid ni Special Assistant to the President Christopher ‘Bong’ Go.

Ayon sa senador, ‘in aid of legislation’ ang imbestigasyon dahil bubusisiin kung kailangang gumawa o mag-amyenda ng batas para masawata ang ‘conflict of interest’ paggamit ng mga opisyal at kawani ng gobyerno sa kanilang impluwensya para mapaboran ng proyekto ang kanilang kaanak.

Tinukoy sa resolusyon ang ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism na nakakuha ang construction company na CLTG Builders, na pag-aari ng ama at stepbrother ni Go, ng public works contracts sa Davao Region na nagkakahalaga ng P1.85 bilyon mula 2007 hanggang 2017.

Nakakuha rin ito ng P2.7 bilyon na halaga ng joint venture projects sa apat na kontratista noong 2017.

Isa sa mga kontratista ang Alfrego Builders and Supplies na pag-aari ng kapatid ni Go.

Ayon kay Trillanes, nakuha ang atensyon dito ng PCIJ dahil natuklasan na hindi natapos ang lahat ng joint venture projects sa orihinal na deadline bukod sa wala umanong kakayann ang CLTG na gumawa ng big-ticket project nang walang partner.

Dagdag dito, naghihinala si Trillanes sa proyekto dahil ang CLTG ay initials ni Go.

“Coincidentally, CLTG is also the initials of Go whose full name is Christopher Lawrence Tesoro Go,” sabi ni Trillanes.

Pinag-iimbestiga ni Trillanes ang Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation na kaniyang pinamumunuan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?