110

By

Double jeopardy, political harassment, pang-aabuso sa kapangyarihan – dahilan ni Trillanes sa paghingi ng TRO sa SC

Sharing is caring!

Pormal nang dumulog sa Korte Suprema ang kampo ni Senador Antonio Trillanes IV para hilinging pigilan ang pagpapatupad ng Proclation 572 na nagbabawi sa ipinagkaloob sa kanyang amnesty noong 2011 ni Dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III dahil sa pagsali niya sa Oakwood Mutiny at Manila Peninsula Seige noong 2003 at 2007.

Sa kanyang 36-pahinang petition for certiorari, hiniling ni Trillanes na magpalabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order o di kaya ay ng writ of preliminary injunction.

Nais niyang pigilan ang pagpapatupad ng nilalaman ng Proclamation 572 na nag-aatas sa Department of Justice at sa Court Martial ng AFP na nag-aatas na isulong ang administratibo at kriminal na mga kaso laban sa kanya, at gawin ang lahat ng legal na paraan para siya ay maibalik sa kulungan at maiharap sa paglilitis.

Hiniling din ng senador na ideklara ng Kataas-taasang Hukuman na ‘null and void ab initio’ ang Proclamation No. 572.

Pinangalanang respondent sa petisyon sina Executive Secretary Salvador Medialdea, Defense Secretary Delfin Lorenzana, DILG Secretary Eduardo Ano, Justice Secretary Menardo Guevarra, AFP Chief of Staff Gen. Carlito Galvez Jr at PNP Chief Director General Oscar Albayalde.

Giit ni Trillanes, nagkaroon ng pagmamalabis sa panig ng pangulo ng kanyang ilabas ang kinukwestiyong proklamasyon at iutos ang pag-aresto sa kanya sa kabila ng kawalan ng arrest warrant.

Aniya, ‘unconstitutional’ ang Proclamation No. 572 dahil nilalabag nito ang ‘shared power’ ng presidente at ng Kongreso.

Malinaw din umano na political harassment ang pakay ng proklamasyon, at nalabag din umano ang karapatan ni Trillanes sa due process at equal protection na ginagarantiyahan ng Konstitusyon.

Nang dahil din umano sa proklamasyon, nalabag ang karapatan ng senador laban sa double jeopardy.

Iginiit pa ng kampo ng senador na nakapagsumite siya ng aplikasyon at nabigyan ng amnestiya at patunay dito ang Certificate of Amnesty na inisyu sa petitioner noong January 21, 2011 ni Dating DND Secretary Voltaire Gazmin at, lumagda rin siya sa Pledge of Allegiance na nagdedeklarang sinusuportahan at ipagtatanggol niya ang Konstitusyon.

Kaugnay naman sa hindi raw niya pag-amin ng “guilt” o pagkakasala sa mga krimen na may kinalaman sa Oakwood Mutiny at Peninsula Manila Hotel Seige, imposible umano na siya ay nag-aplay sa amnestiya nang hindi ito naisasakatuparan dahil nakasaad sa application form ang pag-amin niya sa paglabag sa Konstitusyon at sa Articles of War at binabawi ang mga naunang pahayag na taliwas sa pag-amin niya ng partisipasyon at pagkakasala. / MARICEL DIAZ

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?