124

May 18, 2019 @ 15:06
By

DOTr: PNR Clark Phase 1 Project, arangkada na sa Lunes

Sisimulan na sa Lunes (May 20) ang konstruksyon ng anim na istasyon para sa itatayong Tutuban hanggang Bocaue North-South Commuter Railway (NSCR) Project.

Ayon sa pamunuan ng Department of Transportation (DOTr), masasagasaan ang mga lugar sa Solis, Caloocan, Valenzuela, Meycauayan, Marilao at Bocaue na unang gagawin para sa Philippine National Railways (PNR) Clark Phase 1.

Ayon kay Assistant Secretary for Communications Goddes Hope Libiran, in-award na ng DOTr sa DMCI Holdings Inc. at sa isang Japanese firm ang construction package para sa PNR Clark Phase 1 Project.

Matatamaan naman sa susunod na paggawa ang Bocaue hanggang Malolos na sisimulan ng Sumitomo-Mitsui Construction Co. Ltd. ang konstruksyon matapos na makuha ang award noong Enero 2019.

Una nang naganap ang groundbreaking ng PNR Clark Phase 1 Project noong Pebrero 15 sa Malolos, Bulacan kung saan kabilang sa proyekto ang 38-kilometer rail line mula Tutuban sa Maynila hanggang Malolos sa Bulacan.

Inaasahan na nasa 340,000 pasahero ang masisilbihan kapag tuluyan nang nag-operate ang mga tren sa 2021 kung saan aabot lamang sa 35-minuto ang magiging travel time mula Maynila hanggang Bulacan na dating nasa mahigit isa’t kalahating oras na biyahe.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?