29

By

DOTr, pinaglalatag ng alternatibong maintenance sa MRT-3

Ngayong putol na ang kontrata ng gobyerno sa Busan Universal Rail Inc. (BURI), hinikayat ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone ang gobyerno na magprisinta sa Kongreso ng alternatibong maintenance para sa MRT-3.

Ayon kay Evardone, kailangang maipakita at makumbinsi ng Department of Transportation (DOTr) ang publiko na magiging maayos pa rin ang serbisyo ng MRT-3 kahit walang maintenance provider.

Paliwanag pa ng kongresista, tiyak na matatagalan pa ang usaping ligal sa isyu ng BURI dahil sa plano ng kumpanya na kuwestyunin ang termination ng kontrata sa korte.

Umaasa rin si Evardone na ang kanselasyon ng BURI contract ay hindi paraan lang para paboran ang ibang maintenance provider.

Sa harap ng planong pag-takeover ng gobyerno sa maintenance services ng MRT-3, gustong malaman ng mambabatas kung gaano kahusay ang mga taong hahawak ng maintenance.

Gayundin, kung gaano katagal ang pagbili ng lahat ng kailangang piyesa para sa mga tren ng MRT.

Para kay Evardone, pinakamainam pa ring gawin ang pagsasapribado ng MRT-3.

“I still maintain that the best option is to totally privatized the MRT-3 to make it more efficient. The government should just regulate and support the operations of all mass transit systems,” pahayag pa ni Evardone.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?