38

Jun 25, 2020 @ 13:17
By

DOTr, LTFRB bulag, bingi sa daing ng mga tsuper – Binay

Muli na namang kinalampag ni Senador Nancy Binay ang Department of Transportation at Land Transportation and Franchising Regulatory Board na aksiyunan ang hinaing ng mga traditional jeepney na hindi pa rin pinapayagang bumiyahe kahit niluwagan na ang COVID-19 quarantine.

“’Wag naman maging bulag at bingi sa iyak ng mga driver ng jeep ang DOTr at LTFRB,” panawagan niya.

Ayon sa senador, dapat diretsahin na ng gobyerno ang mga operator at driver ng dyip kung ano ang plano sa kanila, hindi iyong pinapaasa at pinapaikot lang sila.

“Sobra nang nahihilo ang ating mga tsuper sa kadi-dribble at pagpapasa-pasa ng DOTr at LTFRB kung papayagan ba silang bumyahe,” ani Binay.

“Bakit ‘di nila diretsang sabihin kung ano man ang plano ng gobyerno sa kanila? Makakabalik pa ba ang mga jeep o hindi na?” tanong pa niya.

Ani Binay, tila pinapahaba lang ng dalawang ahensiya ang kalbaryo ng mga namamasadang kababayan.

“Kung makakabalik, ‘wag nang maraming dahilan. Kung ‘di na makakabalik, ‘wag nang paasahin at linawin sa mga operator at driver kung ano ang plano at gagawin ng gobyerno sa 250,000 na tsuper at operators,” punto ng senador.

“Masakit tanggapin na tila hinayaan na lamang ng gobyerno na unti-unting maupos ang kabuhayan ng ating mga jeepney driver. ‘Yung harap-harapang ipapamukha sa kanila na ‘di sila kasama sa hierarchy ng essential sectors–walang ayuda, walang plano, walang suporta,” giit pa niya.

Binigyang-diin niyang ang pagsusulong ng modernization program ay dapat inclusive at ‘di pumapabor sa iisang sektor lamang.

“Hindi tama na pagkaitan natin ng trabaho at kabuhayan ang ating mga kababayan habang may pandemya. Sa ngayon, ang dating malalakas na busina ay napalitan ng impit na tunog ng kumakalam na sikmura,” sabi pa ni Binay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?