30

Feb 20, 2020 @ 16:18
By

DOTr: Konstruksyon ng MRT-7 tuloy pa rin

Nilinaw ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) na hindi apektado ng cease and desist na inisyu ng Quezon City government ang ginagawang underground construction para sa Metro Rail Transit Line 7 (MRT-7).

Paliwanag ni DOTr Assistant Secretary Goddess Hope Libiran, na ang temporary order na inisyu ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ay kaugnay sa linya ng riles sa above-ground construction na kung saan ang konstruksyon ng MRT ay nasa underground para sa itatayong istasyon sa Quezon Memorial Circle (QMC).

“We understand that the concern is about the above-ground structure and that the construction of underground areas may proceed,” ayon kay Libiran.

Sinabi pa nito na kailangan pa nilang mag-usap ng local government ng Quezon City kaugnay sa nagaganap na pagpigil sa konstruksyon at para makabuo ng “win-win solution.”

Nag-ugat ang pagpapapigil sa pagpapagawa ng MRT-7 matapos na magbahagi ng kanilang pagtutol ang mga historian at environmentalist na kung saan maaapektuhan umano ang national heritage park na QMC.

Sa kasalukuyan, nasa 50.69-percent nang kumpleto ang konstruksyon ng MRT-7 kabilang na ang siyam sa 14 station na gawa na, mayroon nang 108 na binuong bagon at inaayos na ang mga riles na daraanan ng tren.

Aabot naman sa 300,000 hanggang 850,000 pasahero ang makikinabang araw-araw kapag naisakatuparan na ang MRT-7 na pinondohan ng P69.30-billion para sa 23-kilometer railway system na magbubukod sa North Avenue, Quezon City pagtungong San Jose del Monte, Bulacan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?