81

Nov 3, 2017 @ 16:00

DOTr, hinamong magpakitang-gilas sa mga proyekto

Pinakikilos ni House Appropriations Committee Chairman Karlo Alexei Nograles ang mga ahensya ng gobyerno para bilisan ang implementasyon ng mga proyekto sa ilalim ng “Build Build Build” program ng administrasyon.

Ito’y sa harap na rin nang nauwi ni Pangulong Rodrigo Duterte na P300 bilyong halaga ng investments matapos bumisita sa Japan.

Partikular na hinamon ni Nograles ang Department of Transportation (DOTr) na madaliin ang mga programa at iwasang matambakan ng proyekto.

“Unfortunately, the people view the DOTr as one of the most underperforming agencies under President Duterte’s watch, mostly due to the never-ending traffic jams and MRT woes,” sabi ni Nograles.

Bukod sa one trillion yen (P456 bilyon) na ipinangako ni Japan Prime Minister Shinzo Abe, tumanggap rin ang administrasyong Duterte ng investments para sa Pilipinas na nagkakahalaga ng P300 bilyon.

Ang malaking parte nito ay ilalaan sa first phase ng Metro Manila Subway Project na layong mapaluwag ang problema sa traffic sa Kamaynilaan.

Pinuna ng kongresista na ilan sa mga proyekto ng DOTr para sa taong 2016 at 2017 ay hindi gumagalaw base sa naging deliberasyon ng panukalang pambansang pondo sa 2018. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?