36

By

DOTr, handa na sa ‘mura’ ng MRT commuters

Inihanda na ni Transportation Undersecretary for Railways Cesar Chavez ang sarili sa posibleng pagmumura sa kanila ng daan-daang libong pasahero ng MRT-3 ngayong hawak na muli ng gobyerno ang mass transport system.

Sa panayam kay Chavez sa radyo, sinabi nito na mas gugustuhin na niyang murahin sila tuwing umaga para lang matiyak na ligtas ang biyahe sa MRT-3.

“Kami na muna ang magpapatakbo, tatanggapin namin ang pagmumura ng ating mga kababayan, lalo na sa umaga. Ang importante sa amin, ‘di bale kaming murahin, ‘wag lang makitang umiiyak sila dahil lang sa aksidente,” ani Chavez.

Ayon sa opisyal, nagpasaklolo na siya sa mga eksperto ng LRT Lines 1 at 2, maging mula sa Philippine National Railways (PNR) para bigyang lunas ang mga sakit ng MRT, na halos araw-araw ay nakakaranas ng aberya.

Banggit pa ni Chavez, na maaaring abutin ng hanggang anim na buwan ang paghawak nila sa operasyon ng MRT, matapos na rin nilang putulin ang maintenance contract ng Busan Universal Rail Inc. (BURI) kamakalawa.

Sinabi pa nito na tatlong kompanya: ang Singapore MRT, Mitsubishi Heavy Industries at RAPT Maintenance, ang nagpahayag na ng interes na saluhin ang operasyon dahil alam na nila ang kondisyon ng MRT. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?