24

Jan 14, 2022 @ 20:35
By

DOTr aminadong dagdag sa traffic ang ‘no vax, no ride’ policy

Inaasahan na ng Department of Transportation (DOTr) na makakadagdag sa problema sa traffic ang nakatakdang implementasyon ng “no vax, no ride” policy sa Lunes, January 17.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni DOTr Undersecretary Artemio Tuazon Jr., maaaring bahagyang magkaroon ng antala sa trapiko ang mga commuter pero maliit na bagay ito kumpara sa kaligtasan ng mga pasaherong sasakay sa mga pampublikong sasakyan.

Hindi aniya nais ng DOTr na pahirapan ang mga pasahero kundi ang hangad lamang ng ahensiya ay mapanatili ang kaligtasan ng publiko.

“Maaaring makadagdag ito sa pagbagal ng biyahe ng mga tao subalit ang inconvenience na magagawa nito ay napakaliit kumpara sa kaligtasan ng ating mananakay sa ating pampublikong sasakyan,” ani Tuazon.

Ang iniiwasan aniya ng DOTr ay ang magkaroon ng outbreak at pagkalat ng COVID-19 sa mga pampublikong sasakyan at mapipilitan silang itigil ang operasyon katulad ng nangyari noon sa Metro Rail Transit (MRT) dahil sa mataas na kaso ng COVID cases.

Sinabi ni Tuazon na kapag isinara ang pagtakbo ng mga pampublikong sasakyan, ang maaapektuhan ay ang mga pasahero na araw araw ay kailangang pumasok para maghanapbuhay.

“Pag hindi na po sila makagamit ng pampublikong sasakyan hindi na sioa makapagtrabaho, hindi lang sila ang mapeperwisyo kundi pati na ang kanilang pamilya na nakasalalay ang pang-araw araw na buhay sa kanila,” dagdag ni Tuazon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?