61

Jan 27, 2021 @ 10:45

Don’t you worry! Baguio mayor naiintindihan party ni Yap

Inamin mismo ni Baguio City Mayor at contact tracing czar Benjamin Magalong na dumalo siya sa party ni Tim Yap sa lungsod.

“Yes, I was there. Inimbita ho ako,” aniya sa ABS-CBN’s Teleradyo, Miyerkoles.

Pero saglit lang aniya siya at ang kanyang misis sa nasabing selebrasyon.

“We were there to thank them but I did not stay long. Nire-remind ho namin we have to wear masks,” dagdag niya.

Kuwento ng alkalde, bago ang party sa The Manor sa Camp John Hay, bumisita ang grupo ni Yap sa art exhibit ng lungsod at bumili ng maraming painting.

“Ang dami ho nilang nabiling art, paintings…Alam n’yo naman ho ‘yung mga local artists namin, talagang naghihikahos. So mabuti na ho na dumating sila at ang dami nilang nabili.”

Ang kumalat sa social media ay mga litrato at video ni Yap kasama ang mga kaibigan na nagkakasiyahan nang walang suot na face mask at hindi na nakasunod sa social distancing.

Katulad ng naunang paliwanag ni Yap, sinabi ng contact tracing czar na nagsusuot ng mask ang mga tao, pero inalis nila ito noong kakain na. Doon na anila nagtanghal ang mga cultural dancer at inalok na sumali ang mga bisita.

“Kung titingnan n’yo, marami naman sa kanila ang compliant. It’s just that mali lang ang timing,” ani Magalong.

Ayon sa alkalde, nagpapatuloy ang imbestigasyon hinggil sa paglabag ng grupo ni Yap sa COVID-19 protocol pero ikokonsidera aniya nila ang ambag nina Yap sa pagtataguyod ng lokal na turismo at sining.

“Nag-usap na ho kami kahapon at binanggit ko sa kanya na I understand what happened. Sabi ko sa kanya, ‘Don’t you worry about it, ‘yung tulong mo na ginawa sa Baguio, promoting.’ He’s saying good words about Baguio, we’re considering all of these… Nahihiya nga sila,” saad pa niya.

Kinumpirma rin niyang may posibleng paglabag ang grupo dahil required sa Baguio ang pagsusuot ng face mask sa pampublikong lugar.

“Meron pa rin [mga paglabag], even my wife violated it kasi nagtanggal nga ‘yan because may picture taking,” punto ni Magalong.

“Siguro sa excitement, nagtatanggal ng mask, picture-picture,” aniya pa.

Depensa ni Yap, lahat naman sila ng mga kasama niya ay na-test na negative sa coronavirus at ang hangad niya ay maitulak ang lokal na turismo ng Baguio.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?