16

Nov 19, 2021 @ 16:48
By

Dominguez naghahanda sa panibagong pangungutang

Naghahanda ang Department of Finance (DOF) para sa panibagong pangungutang ng bansa sa mga dayuhan.

Ayon sa DOF, binabalangkas nito ang mga patakaran para sa kauna-unahang pangungutang ng Pilipinas na makatutulong diumano sa kalikasan na tatawagin nitong “sovereign green bonds”.

“We are also in the process of completing our sustainable finance framework for the issuance of our first-ever sovereign green bonds,” sabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez III.

Sabi ng DOF, kinausap na ni Dominguez ang World Bank (WB), Asian Development Bank (ADB) at ang Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB) para mapabilis ang pagpapautang sa mga developing economy upang matulungan silang magampanan ang kanilang mga pananagutan na may kinalaman sa climate change.

Hindi sinabi ng DOF kung kailan plano utangin ang tinatawag nitong ‘first-ever sovereign green bonds.”

Noong Setyembre, umabot na sa P11.92 trilyon ang kabuuang utang ng Pilipinas.

Sa pangungutang umasa ang administrasyong Duterte noong nakaraang taon para ipangtustos sa mga gastusin matapos na bumaba ang koleksiyon sa buwis dahil marami ang nawalan ng trabaho at marmaing mga negosyo ang nagsara sanhi ng pandemya.

Malaking tulong din ang pangungutang sa ibang bansa para masigurong marami ang dolyar at iba pang foreign currency sa ekonomiya na kailangan para pambayad sa mga inaangkat at sa mga foreign debt.

Habang lumalaki kasi ang foreign debt, lumolobo rin ang babayarang interes nito kaya’t mas maraming dolyar ang kakailanganin.

Mas marami rin ang inaangkat ng Pilipinas kaysa sa in-iexport kaya mas malakas ang paglabas ng dolyar sa bansa kaysa sa pumapasok at kaya rin malaking tulong ang mga perang pinapadala sa bansa ng mga overseas Filipino worker.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?