166

Dec 21, 2017 @ 12:46
By

DOLE, tuloy ang inspeksiyon sa establisimiyento ng paputok sa holiday

Tuloy ang pag-iinspeksiyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga establisimiyento na nagbebenta at gumagawa ng paputok at pailaw.

Ayon kay DOLE Secretary Silvestre Bello III, hindi sakop ng suspensiyon sa labor compliance inspection ngayong holiday season ang mga fireworks at pyrotechnics establishment.

“Ongoing ang inspection, because we want to avoid any incident last year sa Bulacan na may aksidente,” saad ni Bello.

Ang tinutukoy ng kalihim ay ang nangyaring pagsabog sa AA Firecracker Manufacturing sa Sitio Bangka-Bangkaan sa Brgy. Pulong Buhangin sa Sta. Maria, Bulacan noong Nobyembre 2016 kung saan tatlo ang namatay at anim ang nasugatan, pati na ang trahedyang naganap noong Oktubre 12, 2016 sa ilang fireworks shop sa Brgy. Binang sa Bocaue, Bulacan kung saan isa ang namatay at 24 iba pa ang nasugatan.

Nauna nang sinuspinde ng DOLE ang labor inspection sa mga establisimiyento, maliban iyong mga nasa industriya ng paputok nitong Disyembre 8, 2017 na tatagal hanggang Enero 7, 2018.

Ang desisyon ay ginawa ng DOLE bilang pagsasaalang-alang sa ‘delicadeza’ para maiwasan ang mga alegasyon ng panunuhol sa panahon ng holiday season.

Iniiwasan umano nila na maparatangan ang mga labor inspector na namamasko sa mga negosyante. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?