51
DOLE: Pagpapa-deport sa mga OFW sa UAE, fake news
By

DOLE: Pagpapa-deport sa mga OFW sa UAE, fake news

Walang magaganap na deportation sa mga Pilipinong manggagawa na nasa United Arab Emirates (UAE).

Ginawa ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang paglilinaw sa harap ng mga bali-balita na ipade-deport umano ng UAE ang mga dayuhang manggagawa na nasa kanilang bansa simula Abril 2019.

Ayon kay DOLE Secretary Silvestre Bello III, batay sa ulat ng International Labor Affairs Bureau (ILAB), wala itong katotohanan na nagdulot ng kalituhan sa mga overseas Filipino worker (OFWs).

Nauna nang lumabas sa isang online news article na ang mga dayuhang manggagawa na nasa job categories na may edad na higit 40 ay sisibakin sa trabaho at ipade-deport para paboran ang mga lokal na manggagawa roon sa harap ng dinaranas umanong unemployment crisis.

Kasama sa mga trabahong nabanggit ay pharmacist, medical secretary, administrative clerk, human resource officer, receptionist, treasurer, librarian, security guard, purchasing manager, debt collector, cashier, tour guide, at iba pa.

Sa ulat ng ILAB, tinukoy na batay sa pakikipag-ugnayan ni Labor Attache Alejandro Padaen ng Philippine Overseas Labor Office sa Abu Dhabi sa emirate officials sa UAE, walang katotohanan ang balita.

Ayon kay Padaen, tinawag ni Dr. Omar Abulrahman Salem Alnuami, Assistant Secretary for Communication and International Relations of the Ministry of Human Resources and Emiratisation, ang nasabing ulat na “fake news”.

Tinukoy pa umano ng isa pang emirate official na si Asmaa Alamadani, executive director ng MOHRE’s International Bilateral Relations Department, kay Labor Attache Felicitas Bay ng POLO Dubai, na hindi totoo ang balita.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?