34

Nov 30, 2017 @ 11:52
By

DOLE, nakiusap ng dagdag-pondo para sa OFWs

Nakiusap ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa bicameral conference committee na dagdagan ng P1.1 bilyon ang pondo nito para sa susunod na taon.

Personal na lumapit si Labor Secretary Silvestre Bello III sa bicam para i-lobby sa mga senador at kongresista ang kailangang dagdag na pondo ng ahensya.

Ayon kay Bello, bahagi ito ng preparasyon para sa posibilidad ng repatriation at reintegration na kanilang inihahanda para sa daan-daang libong overseas Filipino workers (OFWs) sa Qatar, Lebanon at Saudi Arabia.

“Our labor attache’ there have some contingency plans which may have to be implemented in case the situation worsens, pero right now ano naman, mukhang hindi pa naman kritikal kundi meron lang cost to prepare for this planning,” paliwanag ni Bello.

Tinaya ng kalihim sa P850 milyon ang kailangan para sa repatriation ng OFWs sa tatlong nabanggit na bansa sakaling lumala ang sitwasyon doon.

Nasa 200 hanggang 300 milyon naman ang para sa reintegration ng mga ito o tulong pangkabuhayan pag-uwi sa Pilipinas.

Sabi ni Bello, positibo naman ang tugon ng mga senador at kongresista sa kanyang request para sa dagdag na pondo. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?