67

Oct 10, 2017 @ 17:02

DOLE may ayuda sa mga gurong naapektuhan ng K to 12

Pinalawak at itinaas pa ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang halaga ng pinansyal na tulong na ipagkakaloob ng kagawaran para sa mga guro at non-teaching personnel na nawalan ng trabaho dahil sa pagpapatupad ng K to 12 Program.

Sa ilalim ng Department Order No. 177, kabilang sa mga amyendang iniutos ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa naunang department order kaugnay sa pagpapairal ng K to 12 ay ang pagpapalawak ng saklaw ng programa, pagpapalawig ng application period at pagtaas ng halaga ng Financial Support.

Dahil dito, ang mga benepisyaryo ay tatanggap na ng tulong na P10,000, o di kaya ay halagang katumbas ng 75% ng huling buwanang gross salary ng aplikante o di kaya ay ang umiiral na median salary ng higher education institution (HEI) personnel, alinman sa mga nabanggit ang mas mataas.

Saklaw na rin ng programa ang mga kumuha ng early retirement o sumailalim sa voluntary separation program, pati na iyong mga HEI personnel na hindi na-renew ang kontrata at nasa ilalim ng work suspension.

Sakop na rin ng programa ang mga HEI personnel na nawalan ng trabaho sa pagitan ng May 30, 2014 at pagtatapos ng academic year na 2021-2022.

Sa halip din na anim na documentary requirements, ibinaba na ng DOLE sa apat na mga dokumento ang kailangang isumite ng mga aplikante.

Kabilang na rito ang K to 12 DOLE AMP Application form; Certificate of Displacement o kopya ng reklamo na naihain sa National Labor Relations Commission, Certificate of Employment and Compensation at alinmang identification card na inisyu ng gobyerno. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?