69

Nov 16, 2017 @ 16:29
By

DOLE magpapadala ng OFWs sa San Marino

Pag-aaralan ng mga labor official ang posibilidad na magdeploy ng mga Pilipinong healthcare professional sa Republika ng San Marino, isang maliit na estado sa Yuropa na nasa hangganan ng hilagang silangan ng Italya.

Ang San Marino ay ang itinuturing na isa sa pinakamayamang bansa sa mundo kung ang pagbabatayan ay ang Gross Domestic Product.

Ito rin ang bansa na may pinakamababang unemployment rate sa Yuropa at ang tanging bansa kung saan mas marami ang bilang ng mga sasakyan kaysa sa mga tao.

Ang populasyon ng San Marino ay nasa mahigit 33 libo lamang.

Sa administrative order na inisyu ni Labor Secretary Silvestre Bello, isang assessment team ang binuo para magsagawa ng pag-aaral.

Ang grupo ay pinamumunuan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at myembro nito ang mga kinatawan mula sa Professional Regulation Commission (PRC), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at International Labor Affairs Bureau (ILAB).

Bubusisiin ng grupo ang umiiral na regulatory framework para sa mga nursing at caregiving professional sa San Marino.

Kasama sa pag-aaralan ng grupo kung paano mapapalawak ang oportunidad sa ilalim ng mungkahing Memorandum of Understanding on Cooperation in Home Services sa pagitan ng San Marino at Pilipinas.

Inatasan din ni Bello ang grupo na magsumite ng rekumendasyon sa kanyang tanggapan.

Sa ilalim ng POEA Governing Board Resolution No. 2, Series of 2011, ang Republic of San Marino ay sinertipikahan bilang “compliant country” kung saan ang karapatan ng mga Pilipinong migrante ay protektado.

Batay pa sa rekord ng POEA, mula 2015 hanggang sa kasalukuyan, mayroon lamang 22 Pilipinong manggagawa sa San Marino. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?