26
dengvaxia
May 24, 2018 @ 14:21

Dokumento ng pag-amin ng Sanofi, ginamit na ebidensiya sa DOJ

Inamin na umano ng Sanofi Pasteur noon pang 2015 ang tungkol sa negatibong epekto ng Dengvaxia.

Ang umano’y pag-aming ito ng Sanofi Pasteur sa pamamagitan ng kanilang tugon sa hinihinging paglilinaw ng panel ng National Formulary noong Disyembre 2015 ang kasama sa mga isinumiteng ebidensiya ng Public Attorney’s Office (PAO) sa reklamong kriminal na kanilang inihain sa Department of Justice (DOJ).

Sa tugon ng Sanofi, tinukoy nito na mayroong apat na panganib na kaakibat ang Dengvaxia vaccine, kasama na rito ang mas malalang dengue sa simula ng pagbakuna at ang paghina ng proteksiyon laban sa sakit sa katagalan.

Pero ayon kay PAO chief Persida Rueda Acosta, sa kabila ng pag-aming ito ay itinuloy pa rin ng Department of Health (DOH) ang pagbili sa bakuna na itinurok sa mahigit 800,000 kabataan.

Ang PAO ang tumatayong abogado ng siyam na pamilya na namatayan ng anak na nabakunahan ng Dengvaxia at naghain ng reklamo sa DOJ.

Sa preliminary investigation kanina ay hindi nakadalo ang mga respondent na kinabibilangan nina dating Health Secretary Janette Garin at kasalukuyang DOH Secretary Francisco Duque na kinatawan lamang ng mga abogado.

Sila ay nahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide, torture resulting in the death of any person, at torture committed against children na paglabag sa Republic Act 9745.

Sa pagdinig ay binigyan ang kampo ng mga respondent ng kopya ng ika-pito, ika-walo at ika-siyam na reklamong kriminal na may kinalaman sa Dengvaxia.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?