68

Feb 5, 2020 @ 14:32
By

Doktor dinukot umano ng Abu Sayyaf

Isang Christian-Tausug na doktor ang kidnap victim ng apat na hinihinalang mga miyembro ng grupong Abu Sayyaf matapos nila itong sapilitang kunin sa loob ng kanilang bahay, Lunes ng gabi sa Jolo, Sulu.

Ito ang sinabi kanina, Pebrero 5, ni Western Mindanao Command (Wesmincom) Commander Lt. General Cirilito Sobejana at kinilala nito ang biktimang si Dr. Daniel Moreno, na puwersahan umanong dinukot sa loob ng kanilang bahay katabi ng kanyang clinic sa Barangay Walled City sa Jolo, Sulu dakong alas-7:00 ng gabi, Pebrero 4.

Agad aniyang sinakay ng mga suspek ang doktor sa kulay pulang Tamaraw FX patungo sa kahabaan ng KM3 sa Indanan, Sulu.

Dahil sa insidente, agad na kinasa ng Joint Task Force Sulu ang search and rescue operations para marekober ang doktor.

Ayon pa kay Sobejana, isa sa mga teorya na kanilang nakikita hinggil sa pagdukot kay Moreno ay dahil nangangailangan ng doktor ang mga Abu Sayyaf para gamutin ang mga sugatang kasamahan ng mga ito.

Subalit posible rin aniyang kidnap-for-ransom ang kaso.

Sa ngayon ay patuloy ang ginagawang pursuit operation ng militar para sa agarang pagliligtas sa dinukot na doktor.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?