By

DOJ umapela sa pagbasura ng kaso sa P6.4B shabu shipment

Sharing is caring!

Umapela ang Department of Justice (DOJ) sa Valenzuela Regional Trial Court na baligtarin ang nauna nitong ginawang pagbasura sa kasong inihain laban sa siyam na indibidwal kaugnay ng pagkakapuslit sa bansa ng P6.4 billion shabu shipment.

Ito ay sa pamamagitan ng 17-pahinang motion for reconsideration na inihain ng DOJ sa sala ni Valenzuela City RTC Branch 171 Presiding Judge Maria Nena Santos para irekunsidera ang kanyang naunang desisyon sa kasong importation of dangerous drugs laban kina: Chen Julong alyas Richard Tan o Richard Chen; Li Guang Feng alyas Manny Li; Dong Yi Shen Xi alyas Kenneth Dong Yi or Yi Shan Dong; Mark Ruben Taguba II; Eirene Mae Tatad; Teejay Marcellana; Chen I-Min; Jhu Ming Jyun; Chen Rong Huan.

Ang kaso ay ibinasura ng mababang hukuman sa Valenzuela dahil sa kawalan ng hurisdiksyon.

Sa apela ng DOJ, iginiit ng panel of prosecutors sa pangunguna ni Assistant State Prosecutor Aristotle Reyes na malinaw na may hurisdiksyon sa kaso ang Valenzuela RTC kahit pa ang shabu shipment ay naunang pumasok sa Lungsod ng Maynila.

Paliwanag ng DOJ, nang pumasok sa pamamagitan ng Manila International Container Port ang shabu shipment, hindi pa maituturing na “consummated” o hindi pa naisasakatuparan ang drug importation dahil hindi pa naman batid sa mga oras na iyon na ang laman pala ng containver van ay iligal na droga na nagkakahalaga ng P6.4 billion.

“In the present case against Chen Julong and his above-named co-accused, while it may be true that the act of entry or the act of bringing into the country the dangerous drugs initially occurred at the MICP on 15 May 2017 yet the place where the contents of which was discovered, learned and confirmed to be dangerous drugs occurred in Valenzuela City.

“The ingredient of discovery, which is clearly material, relevant and which consummated or accomplished the crime of illegal importation of dangerous drugs in this case occurred in Valenzuela City,” giit ng DOJ.

Hiniling din ng DOJ na tumalima ang korte sa Section 5, Rule 112 ng Revised Rules on Criminal Procedure at magpalabas na ng mandamyento de aresto laban sa mga akusado dahil sila ay itinuturing na “flight risk” o posibleng umalis ng bansa.

Matatandaan na tinangka noong November 29, 2017 ni Chen na umalis ng Pilipinas sa pamamagitan ng China Eastern Air na may flight mula Diosdado Macapagal International Airport sa Pampanga patungo ng Shanghai Pudong. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?