22

By

DOJ at SC sinugod ng mga raliyista na mula sa Mindanao

Sharing is caring!

Nagsagawa ng kilos-protesta ang may 30 raliyista sa harap ng Korte Suprema sa Padre Faura, Maynila makaraan nitong pinal na pagtibayin ang constitutionality ng idineklarang martial law sa Mindanao.

Kasama sa mga naglunsad ng rally ang mga miyembro ng Barug Katungod Mindanao at mga internally displaced person sa nasabing rehiyon.

Nagpahayag ang mga raliyista ng pagtutol sa mungkahing palawigin muli ang batas militar sa Mindanao.

Nababahala kasi ang kanilang grupo na lalong tumindi ang diumano’y nagaganap na paglabag sa karapatang pantao sa Mindanao partikular na sa hanay ng mga Lumad, magsasaka, indigenous leader, at mga pinuno ng human rights group.

Matapos ang maikling protesta sa harap ng Korte Suprema, sunod namang kinalampag ng mga militante ang harap ng tanggapan ng Department of Justice (DOJ).

Tinuligsa nila ang diumano’y pagiging inutil ng DOJ sa mga nagpapatuloy na pag-atake sa mga komunidad sa Mindanao na ang target ay ang mga indigenous leader, magsasaka, Moro at mga nagtatagayuod ng karapatang pantao.

Dagdag pa ng mga raliyista, sa halip na bigyan ng katarungan ang mga pinatay na mga aktibista at lumad, ang kanilang hanay pa ang nasasampahan ng kaso.

Katunayan, aabot na umano sa 428 kaso ng mga trump-up charges o gawa-gawang reklamo ang naidokumento ng mga human rights group na naihain laban sa mga magsasaka, indigenous leader at Moro sa Mindanao.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?