77

Dec 27, 2017 @ 17:36
By

DOJ prosecutors nakipagpulong para sa CPP-NPA terrorist tag

Nakikipagpulong na ang mga prosecutor ng Department of Justice (DOJ) sa intelligence community kaugnay ng ihahaing petisyon sa korte para hilingin na ideklarang teroristang grupo ang Communist Party of the Philippines (CPP) at ang armado nitong grupo na New People’s Army (NPA).

Ayon kay DOJ Secretary Vitaliano Aguirre II, masusing pinag-aaralan ng mga state prosecutor ang ihahaing petisyon at bilang bahagi ng paghahanda, nakipagpulong ang mga piskal sa mga opisyal mula sa intelligence community.

“Our DOJ prosecutors led by the head of task force, prosecutor Peter Ong, has been meeting with the intelligence people katulad ng (like) NICA (National Intelligence Coordinating Agency), ISAFP (Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines) and other intelligence agencies of the government,” saad ni Aguirre.

Kumpiyansa naman si Aguirre na papaboran ng mababang hukuman ang ihahain nilang petisyon.

Sa ilalim ng Department Order No. 779, inatasan ni Aguirre ang Office of Prosecutor General para magsumite ng kaukulang aplikasyon sa hukuman para madeklarang teroristang organisasyon ang CPP-NPA alinsunod sa itinatakda ng Republic Act No. 9372 o Human Security Act of 2007.

Nauna nang nagpalabas ng proklamasyon si Pangulong Rodrigo Duterte na nagdedeklara sa CPP-NPA bilang teroristang grupo dahil sa paghahasik ng karahasan, takot at pagkabahala.

Gayunman, sa ilalim ng Section 17 ng Human Security Act o Republic Act 9372, kinakailangang dumaan sa korte ang pagkonsidera sa isang organisasyon bilang teroristang grupo para mabigyan ng pagkakataon ang nasabing organisasyon na maipagtanggol ang kanilang panig.

Matatandaang umatras na ang gobyerno ng Pilipinas sa pakikipag-usap sa National Democratic Front-CPP noong Nobyembre dahil sa serye ng mga pag-atake na inilunsad ng kanilang armed wing na NPA laban sa mga tropa ng pamahalaan. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?