88

By

DOJ, pinaiimbestigahan ang transaksyon ng droga sa Bilibid

Ipinag-utos na ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra ang imbestigasyon sa nagpapatuloy na operasyon ng ilegal na droga sa New Bilibid Prison (NBP).

Inatasan na ni Guevarra ang pamunuan ng Bureau of Corrections (BuCor) at National Bureau of Investigation (NBI) na silipin ang hindi pa rin matigil na drug ring operations na pinatatakbo ng mga inmate ng NBP gamit ang Internet.

“I will direct the NBI and BuCor to immediately investigate the matter,” saad ni Guevarra.

Ginawa ng kalihim ang kautusan matapos ang natuklasang drug ring sa Cebu na pinatatakbo ng isang Rustico Ygot na inmate ng NBP.

Sa pamamagitan ng closed circuit television (CCTV) cameras at internet ay nagagawa umanong magpatakbo ng transaksyon ng droga ni Ygot mula sa Bilibid.

Natuklasan kasi na ang 28 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P190.4 million na nakuha sa Cebu City at Consolacion sa Cebu ay natunton kay Jocelyn Encila na kasintahan ni Ygot.

Nadiskubre pa na ang bahay ni Encila ay mayroong mga CCTV.

Nagagawa umanong ma-access ni Ygot ang CCTV sa pamamagitan ng internet kahit siya pa ay nakakulong sa Bilibid.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?