29

Oct 6, 2021 @ 19:03
By

DOJ, BuCor kinalampag sa mala-sardinas na kulungan

Para mabigyan ng makataong pagtrato ang mga preso, nanawagan si Senador Sonny Angara sa Department of Justice (DOJ) at Bureau of Corrections (BuCor) na gumawa ng ‘roadmap’ para mapaluwag ang mga siksikang kulungan sa bansa.

Sa pagdinig ng panukalang 2022 badyet ng DOJ, sinabi ni Angara na dapat bigyang pansin ang mga siksikang kulungan sa bansa, partikular ang New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City alang-alang sa mga presong matagal nang nakakaranas ng hindi makataong kondisyon sa loob ng mga piitan.

Ayon sa Bureau of Corrections (BuCor), sa kasalukuyan, ang NBP ay may populasyon na 28,545 na preso, na kumakatawan sa congestion rate na 344 porsiyento.

Sabi ni BuCor deputy director general Gabriel Chaclag, ang orihinal na kapasidad ng NBP ay 6,435 na mga preso lamang.

Kung isasama ang mga operating prison at penal farm sa buong bansa, sinabi ng BuCor na aabot sa 303% ang average na congestion rate ng mga kulungan sa Pilipinas.

“The cost of imprisonment of an individual is more expensive than educating an individual. If we don’t pay attention to this problem, to these people, then how can we think of reforming them?” sabi ni Angara, chairman ng Senate committee on finance.

“The DOJ and the Bureau of Corrections (BuCor) should come up with a five to 10 year plan or roadmap so that we in Congress can respond accordingly and find ways to fund this every year,” dagdag pa nito.

Para mapaluwag ang mga kulungan, isa umanong solusyon ay ang pagpapalaya sa mga persons deprived of liberty na nakapagsilbi ng kanilang mga sentensiya.

Ito’y dahil nagkakaroon ng delay sa pagsumite ng mga “carpeta” o prison record ng BuCor sa Board of Pardon and Parole (BPP).

Kung agad itong naisusumite, madaling marebyu ang petition para sa parole at executive clemency para sa mga kuwalipikadong mga preso.

Mula sa average na 700 hanggang 1,000 carpeta kada buwan bago mag-pandemya, nakapagsumite lang ang BuCor ng mahigit 1,000 mula Enero hanggang Hunyo ng taong ito.

Inamin pa ng BPP na may mga kaso ng PDLs na nakapagsilbi ng mga minimum sentence subalit inaabot ng isang taon bago masuri ang kanilang petition for parole.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?