78

DOH, tuloy sa pamamahagi ng contraceptives

Sharing is caring!

Matapos ideklara ng Food and Drug Administration (FDA) na non-abortifacient ang Implanon, Implanon NXT at 49 na iba pang contraceptives, sisimulan nang muli ng Department of Health (DOH) ang pamamahagi ng mga “family planning commodities.”

Ayon kay DOH Secretary Francisco Duque, sinimulan na ng kagawaran ang pamamahagi ng mga contraceptives sa kanilang mga regional officies.

“There is a resumption of the provosion of essential reproductive health services to Filipino women and their families,” saad ni Duque.

Isasama na rin umano nila sa ipamamahaging family planning commodities ang mga implant.

Sinabi ni Duque na handa na ang DOH na ipamahagi ang 261,000 implants sa loob ng sampung buwan sa mga civil society organization at sa mga lokal na pamahalaan sa ganap na pagpapatupad ng Reproductive Health (RH) Law.

“With the FDA ‘s issuance of the advisory declaring all of the 51 contraceptives to be non-abortifacient or cannot cause abortion, it is now all systems go for us to fully implement the Responsible Parenthood and Reproductive Health,” dagdag ng kalihim.

Iginiit ni Duque na kinakailangang mapaghusay ang access sa modernong family planning bilang pagtalima sa itinatakda ng RH Law.

Ang dalawang Implanon ang partikular na kinuwestiyon ng Alliance for the Filipino Family Inc (ALFI) sa Korte Suprema at ang sakop din ng temporary restraining order na inisyu ng hukuman na pumigil sa DOH at FDA sa pag-apruba ng aplikasyon nito para sa pagpapatala, recertification at pamamahagi.

Sa website ng Implanon, ang nasabing contraceptive ay kayang pumigil ng pagbubuntis ng hanggang tatlong taon.

Pero sa resolusyon ng FDA noong November 10, 2017, idineklara ng ahensya na matapos ang isinagawang evaluation, lumitaw na non-abortifacient o hindi nakapagdudulot ng pagkalaglag ng sanggol ang 51 contraceptives kasama na ang Implanon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?