28

Jan 16, 2018 @ 18:07

DOH, Sanofi may usapan na sa P1.4-B refund sa Dengvaxia

Nagpulong na ang mga opisyal ng Department of Health (DOH) at Sanofi Pasteur para pag-usapan ang tungkol sa refund o pagsasauli ng bayad para sa hindi pa nagagamit na stock ng Dengvaxia na binili ng gobyerno para sa anti-dengue immunization program ng DOH.

Ayon kay DOH Secretary Francisco Duque III, partikular nilang nakausap ang tumatayong cluster head ng Sanofi sa Pilipinas, at namumuno ng operasyon ng Sanofi sa Indonesia.

Dumalo rin sa pagpupulong ang country representative ng World Health Organization sa Pilipinas na si Dr. Gundo Weiler.

Paliwanag ni Duque, titipunin ng Sanofi ang lahat ng natitirang mahigit isang milyong dose ng Dengvaxia hanggang Biyernes.

“The following agreements have been arrived at– Sanofi will retrieve remaining stocks until Friday this week. 1,187,815 doses are left as of latest count,” paliwanag ni Duque.

Ang reimbursement ay ibibigay naman ng Sanofi sa loob ng isa hanggang dalawang araw matapos nilang mabawi ang mga natitirang stock ng Dengvaxia.

Nagalak naman si Weiler sa pagtugon ng DOH sa isyu.

Iginiit ni Weiler na lahat ng mga paraan ay dapat na maipursige kasama na ang paghahanap ng testing kit para sa matukoy kung ang nabakunahan ng Dengvaxia at dati nang nagka-dengue bago siya nabakunahan. Maricel Diaz

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?