120

By

DOH sablay sa datos ng mga health worker – Angara

Inatasan ni Senador Sonny Angara, chairman ng Senate finance committee, ang Department of Health na magpalabas ng datos kaugnay sa kabuuang bilang ng mga doktor, nurse, dentista at midwife sa bansa.

Layunin nito na malaman kung sapat ba ang mga ito para bigyan ng serbisyong medikal ang bawat Pilipino.

“Dapat lang naman na meron tayong running national inventory sa health forces natin. Kung ang DepEd at PNP, may ganitong datos na inilalagay sa kanilang budget submission para malaman kung gaano kalaki ang kulang sa kani-kanilang hanay, bakit wala ang DOH?” ani Angara.

“Siyam na taon akong congressman at pitong taon na akong senador, pero wala pa akong nakitang ganito mula sa rekord ng DOH. Wala tayong ‘status of health forces’ report,” dagdag pa nito.

Partikular na tinukoy ni Angara ang panukalang 2020 budget ng DOH para sa kanilang Human Resources for Health (HRH) na nagkakahalaga ng P2.45B.

Ang HRH ang nagpapadala ng mga doktor, nurse, midwife, dentista at iba pang health professional para sa pagpapatupad ng universal health care.

Liban sa naturang halaga, nakapaloob din sa Miscellaneous Personnel Benefit Fund (MPBF) ang panukalang P7B na nakalaan sa hiring ng higit 11,000 health professional.

Kabilang sa mga ito ang 744 doktor kung saan 400 sa mga ito ay sakop ng Doctors to the Barrios program ng DOH, habang ang higit 300 iba pa ay nakatalaga sa medical residency program ng mga ospital.

“Ang dentista kulang talaga. 209 lang ang deployed sa ilalim ng HRH program ngayong 2019. Lumalabas na sa kada pitong bayan, isa lang ang nagsisilbing dentista,” saad pa ni Angara.

“Sa kasalukuyan, mayroon tayong 4,006 na mga bagong pasang doktor. Tiyak naman, marami sa kanila ang gustong magsilbi sa underserved at sa unserved areas. Sa dami nila, dapat, hindi tayo nababahala sa pangangailan ng atensyong medikal ng ating mga kababayan,” sambit pa niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?