15

Sep 2, 2020 @ 16:43

DOH nagbabala sa mga ospital na pabaya sa basura

Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa mga medical facility na hindi sumusunod sa tamang pagtatapon ng kanilang basura.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, maaaring masuspinde o bawian ng lisensiya ang mga ospital kapag hindi sumunod sa proper disposal ng mga medical waste.

Aniya, magkaiba ang mga medical waste sa mga ordinaryong basura sa bahay, na maaaring makapanghawa ng sakit o makasakit sa tao kaya hindi ito dapat basta na lang itapon kung saan-saan.

“There is a sanction for all these healthcare facilities na hindi nila tinatapon ng maayos ang kanilang waste,” wika ni Vergeire sa isang online media forum.

“Iba ho ang treatment niyan kumpara po sa ordinary waste products natin katulad sa bahay dahil ito po ay maaaring makapanghawa at maaaring mag-cause ng harm sa mga tao,” saad pa niya.

Dagdag ni Vergeire, dapat nakaselyo sa loob ng isang bag ang mga basurang mula sa ospital bago itapon sa mga itinalagang lugar na aprubado ng Department of Environment and Natural Resources.

Inilabas ng DOH ang pahayag matapos kumalat sa social media ang isang video kung saan nakitang nalaglag ang mga gamit nang mga rapid test kit mula sa sako ng basura sa Sampaloc, Manila, Martes ng gabi. (IS)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?