99
doh
Dec 31, 2017 @ 15:51
By

DOH nag-inspeksiyon sa mga ospital sa Metro Manila

Ilang oras bago ang pagsalubong sa Bagong Taon, nagsimula nang mag-ikot sa mga ospital ng gobyerno sa Lungsod ng Maynila at Quezon City ang mga opisyal ng Department of Health (DOH) sa pangunguna ni Health Secretary Francisco Duque III.

Ito ay para matiyak ang kahandaan ng mga pagamutan lalo na iyong malimit na pagdalhan ng mga tinamaan ng paputok.

Unang pinuntahan ni Duque ang Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) sa Rizal Avenue sa Maynila, isa-isang ininspeksyon ni Duque ang mga gamit sa emergency room na inihanda para matugunan ang mga isusugod duon na biktima ng paputok.

Kasama sa mga gamit ang hand drill, bone saw, tenaculum forceps, bone cutter, rongeur, bone holder, mallet, oscillating saw, lowman forceps at wire cutter — mga kagamitan na tunog-pang construction pero gagamitin sa tao sakaling kailangan putulan ng bahagi ng katawan.

Sa JRMMC ay umabot na sa 13 na biktima ng paputok ang isinugod na karamihan ay dumanas ng blast burn sa kamay.

Piccolo ang nangungunang sanhi ng pagkasugat sa mga kasong ginamot sa JRMMC na may siyam na biktima; ang lucis ay nakapagdulot ng pagkasugat sa dalawang tao habang ang foundatain at baby rocket ay may tig-isang biktima.

Labing dalawa naman sa mga biktima ay mga lalaki, habang isa ang babae.

Mula naman sa JRMMC, nagtungo rin si Duque sa Philippine Orthopedic Center at East Avenue Medical Center sa Quezon City.

Kasama rin sa mga nag-ikot sa mga ospital sina DOH Assistant Secretaries Eric Tayag at Lyndon Lee Suy. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?