16

Apr 24, 2021 @ 13:30
By

DOH: Mga senior citizen huwag munang palabasin

Nakiusap ang Department of Health (DOH) sa publiko na huwag munang palabasin ang mga senior citizen para hindi makompromiso ang buhay hindi lang sa peligro ng COVID-19 kundi sa mga hindi inaasahang insidente.

Kasunod na rin ito ng masaklap na sinapit ng isang senior citizen na nahimatay at kalaunan ay nasawi matapos pumila sa community pantry ng aktres na si Angel Locsin.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni DOH Undersecretary Rosario Vergeire na mahigpit pa ang umiiral na quarantine status sa Metro Manila at apat na lalawigan kaya dapat na isipin muna ang kaligtasan.

Dapat din aniyang tutukan ng mga local government unit ang mga community pantry para hindi pagmulan ng mas pagtaas na kaso ng COVID-19.

“We are on MECQ so sana wala sanang mga matatandang lumalabas muna para mapangalagaan. Napakalaki po ng role ng local governments natin sa mga community pantries para mai-organize po nila at hindi maging source ng pagkakahawa-hawa ng mga tao,” ani Vergeire.

Sinabi ng opisyal na mahalagang seryosohin ang mga umiiral na health protocol para hindi mapabilang sa listahan ng mga tinatamaan ng COVID-19.

Ipinaalala ni Vergeire ang palagiang paggamit ng face mask, face shield, paghuhugas ng kamay at pagsunod sa social distancing.

“Ang kailangan po ngayon, ipakita natin sa ating mga kababayan yung importansiya ng minimum health standards at mga ibang protocol na ipinapatupad natin,’ dagdag ni Vergeire.

Maganda aniya ang layunin ng community pantry subalit dapat sundin ang mga pag-iingat para hindi magkaroon ng hawaan ang mga tao.

“Sana po ay lets show the benefits of what a community pantry can do for our citizens but at the same time ensuring na tayo lahat ay sumusunod sa protocol para walang pagkakahawa hawa sa mga ganitong events,” wika ni Vergeire.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?