29

Jul 2, 2020 @ 16:04
By

DOH: Mga ospital sa Cebu, ‘critical level’ na dahil sa COVID-19

Nasa “critical level” na raw ang mga ospital sa Cebu dahil sa patuloy na pagtaas ng coronavirus case sa lugar.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, humahanap na ng paraan ang kagawaran para matulungan ang mga ospital sa nabanggit na probinsya.

Dagdag ni Vergeire, mahigit 80 porsiyento nang puno ang mga isolation bed at intensive care unit.

“Napababa ng konti although nasa critical level pa rin,” sambit niya.

Isa pa raw na problema ang kakaunti lang na mga tertiary-level hospital sa Cebu at karamihan ay level 1.

Aniya, ang mga ospital na level 1 ay hindi maaaring magkaroon ng intensive care unit.

“So talagang ‘yung ating Vicente Sotto (Memorial Medical Center), ‘yung Chong Hua Hospital at iba pang malalaking ospital sa Cebu ay nandun na sa critical. Marami nang naka-admit, pati mechanical ventilators nila marami na ring gumagamit,” dagdag ni Vergeire.

Ayon sa website ng DOH, kabuuan nang 4,746 ang kaso ng virus sa Cebu City habang 1,176 sa Cebu.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?