25

Nov 22, 2021 @ 15:30
By

DOH: Mga bakunado mas makakaiwas kay kamatayan

Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko ngayong Lunes na mas mapanganib sa gitna ng pandemya ang manatiling hindi bakunado ng COVID vaccine.

Ayon umano sa tala ng ahensya, 86% ng mahigit 216,000 COVID patient na isinugod sa pagamutan mula Marso hanggang Nobyembre 2021 ang hindi bakunado o hindi pa kumpleto ang bakuna kontra COVID.

At mula sa naturang bilang, 93.49% ng mga namatay ang hindi bakunado.

Kaya ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, 2.6 beses na mas malapit kay kamatayan ang mga COVID patient na hindi bakunado.

Dagdag pa nito, 1.75 beses na mas malaki ang tsansang maging severe o kritikal ang kaso ng isang hindi bakunado kumpara sa bakunado.

“Vaccination will be the key in continually reducing our deaths,” wika ni Vergeire.

Batay sa huling tala ng DOH, mahigit 47,000 na ang namatay sa COVID sa bansa simula nang pumutok ang pandemya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?