342

Jun 13, 2020 @ 17:02
By

DOH: Metro Manila balik-ECQ? Fake news!

Pinabulaanan ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire ang kumakalat na impormasyon sa social media na babalik umano sa enhanced community quarantine ang Metro Manila, kasama ang Laguna at Cebu, matapos ang June 15.

Ayon kay Vergeire, nasa kamay pa ng Inter-Agency Task Force ang rekumendasyon at hindi pa nakakapaglabas ng desisyon si Pangulong Rodrigo Duterte ukol dito.

“Wala po ho tayong nailalabas na IATF recommendation ukol sa ating June 15 na decision. So lahat po ng lumalabas sa ngayon wala pa ho yang basehan, hintayin na lang ho nating makapagbigay impormasyon sa atin ang Office of the President pagkatapos magbigay ng IATF recommendation sa Lunes, June 15,” ayon kay Vergeire.

Bukod sa bagong quarantine protocol, iuulat din sa June 15 ang estado ng COVID-19 sa bansa.

“Dito po natin makikita at mapapagbasehan para masabi natin kung ang ating curve ay tumataas, bumababa o nagpa-flatten,” aniya pa.

Sa ngayon ay nasa general community quarantine ang Metro Manila, habang ang iba namang lugar ay nasa mas maluwag na modified general community quarantine.

Samantala, 25,392 na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa, 5,709 ang gumaling habang 1,064 ang nasawi.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?