9

Jul 17, 2021 @ 15:51
By

DOH malamig sa usaping booster shot

Wala pang sapat na ebidensya para irekomenda ang paggamit ng booster shot sa mga Pilipino.

Ito ang malamig na tugon ng Department of Health (DOH) sa harap ng paggamit na ng booster shot ng ilang bansa para sa kanilang populasyon.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na patuloy na pinag-aaralan ng mga eksperto kung talagang nakakatulong nga ba o hindi ang booster shot laban sa COVID-19.

“Pinag-aaralan lahat ng datos na lumalabas all over the world. Kaya lang base sa kanilang rekomendasyon hanggang sa ngayon wala pang nakakapagpalabas ng kumpletong ebidensya regarding booster doses,” ani Vergeire.

Kailangan aniyang nakasigurado ang gobyerno at mga eksperto na may sapat na ebidensyang mabisa ang booster shot bago makapagrekomendang gamitin ito sa bansa.

Bukod dito, sinabi ni Vergeire na marami pang mamamayan ang hindi pa nabakunahan at kapag isinulong ang paggamit ng booster shot, maiiwanan ang mga taong hindi pa nakakuha ng kanilang COVID vaccine.

“So ang rekomendasyon natin galing sa mga eksperto, antayin na lang natin ‘yung full evidence at saka natin pag-usapan at irekomenda itong booster dose na ito,” dagdag ni Vergeire.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?