352

Dec 16, 2017 @ 15:31
By

DOH: Iwasan ang labis na pagkain ngayong holiday season

Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na iwasan ang labis na pagkain ngayong panahon ng Kapaskuhan.

Sa harap ito ng kaliwa’t kanang mga handaan sa mga Christmas party at mga salo-salo na may kaugnayan sa holiday season.

Partikular na inabisuhan ni Health Secretary Francisco Duque III ang mga indibiduwal na may health conditions tulad ng diabetes at hypertension kung saan maaaring mapahamak kapag hindi dinisiplina ang sarili sa pagkain.

Payo ng kalihim, “Kung nagte-take na kayo ng maintenance medicine kailangan ninyong sundin ang tamang disiplina sa pagkain, sa mga handaan kasi nate-tempt tayo na kumain ng kung ano-anong mga inihahanda, ang resulta nagkakaroon tuloy ng komplikasyon ang inyong katawan dahil sa maling pagkain, iwasan natin ang sobrang matatamis, matataba at mamantikang pagkain.”

Ayon pa kay Duque, maaari namang kumain o tumikim ng mga putahe na masasarap basta’t ‘in moderation’ lang.

Bawal din aniya ang labis na pag-inom ng alak sa mga handaan dahil nakasisira rin ito sa kalusugan.

Higit sa lahat ay ipinaalala rin nito sa publiko na kaagad kumonsulta sa doktor o pumunta sa pinakamalapit na pagamutan kapag may nararamdamang masama sa katawan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?