76

By

DOH iikot sa mga ospital para sa kampanyang Iwas Paputok

Sisimulan na ng Department of Health (DOH) bukas ang pag-iikot sa mga ospital sa Metro Manila para paigtingin ang kampanya laban sa paggamit ng paputok ngayong holiday season.

Layunin ng gagawing pag-iikot na tiyakin ang kahandaan ng mga ospital ng gobyerno sakaling may isugod sa mga pagamutan na mga biktima ng paputok.

Sa abiso ng DOH, kasama sa mga iikutin ng mga opisyal ng kagawaran ang Rizal Medical Center sa Pasig City, Quirino Memorial Medical Center sa Quezon City at University of Sto. Tomas Hospital sa Lungsod ng Maynila.

Nauna nang tinukoy ng DOH na target nila na makapagtala ng zero incident ng mga firecracker-related injury sa pagsalubong sa bagong taon.

Umaasa ang DOH na mangyayari ang target ng kagawaran dahil naaprubahan na ang Executive Order No. 28 na nagtatakda ng mahigpit na panuntunan sa paggamit ng mga paputok at pailaw.

Sa ilalim ng Executive Order, pinapayagan lamang ang paggamit ng paputok sa mga community fireworks display para mabawasan ang panganib ng mga nasusugatan dahil sa paputok.

Sa pagsalubong sa taong 2017, nakapagtala ang DOH ng kabuuang 630 kaso ng fireworks-related injuries mula December 21, 2016 hanggang January 5, 2017.

Wala namang naitala ang DOH na namatay dahil sa paputok sa loob ng nasabing panahon.

Tinukoy naman ni Health Secretary Francisco Duque na target nilang mapaigting ang kampanya sa mga bata na kadalasang nabibiktima ng mga paputok. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?