Pinunan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang binakanteng puwesto nina Health Secretary Paulyn Ubial at Department of Information & Communication Technology Secretary Rodolfo Salalima para hindi maantala ang paghahatid ng serbisyo sa dalawang nabanggit na ahensiya.
Sa memoranda na inilabas ng tanggapan ni Executive Secretary Salvador Medialdea, itinalaga si Undersecretary Herminigildo V. Valle bilang Officer-in-Charge ng DOH matapos hindi makalusot sa kumpismasyon ng Commission on Appointment si dating Secretary Ubial.
Si Ubial ang panlimang miyembro ng gabinete ni Pangulong Duterte na hindi nakalusot sa makapangyarihang Commission on Appointments.
Si Undersecretary Eliseo Mijares Rio Jr. naman ang itinalagang Officer-in-Charge sa DICT kapalit ni Salalima matapos magbitiw sa puwesto.
Kinausap ng Pangulo si Salalima na umalis na lamang sa puwesto dahil mas matimbang umano ang interes nito sa isang telecommunications company kung saan kunektado ito.
Nakasaad sa memoranda na nais ni Pangulong Duterte na matiyak ang tuloy -tuloy at epektibong paghahatid ng serbisyo sa mamamayan. (Aileen Taliping)