83

DOH chief bukas sa pagsaliksik sa medical marijuana

Bukas si Health Secretary Francisco Duque na payagan ang pananaliksik kaugnay sa sinasabing benepisyo sa kalusugan ng marijuana.

Isa ang isyu ng medical marijuana sa mga naitanong kay Duque sa kauna-unahan niyang pulong balitaan matapos muling maitalaga bilang kalihim ng DOH.

Ayon kay Duque, pinapayagan naman sa ilalim ng batas ang paggamit ng medical cannabis, pero dapat ito ay mahigpit na tumatalima sa inilatag na panuntunan ng Food and Drug Administration.

Paliwanag ni Dr. Ivanhoe Escartin, Director ng National Center for Health Promotion, may probisyon sa Comprehensive Dangerous Drugs Act na nagpapahintulot sa cultivation ng dangerous drugs pero ito ay saklaw ng regulasyon.

Gayunman, paglilinaw ni Duque na ang kanyang positibong pananaw ay limitado lamang sa research purposes.

“It’s in the law. It’s already allowed there. The use of Medical Cannabis but with strict compliance to FDA Rules Regulations…But we have to clarify that it is for research purposes,” saad ni Duque.

Paliwanag pa ng kalihim, kapag naging synthethic form na ang marijuana, ibig sabihin, dumaan na sa proseso, may benepisyo itong idinudulot pero dapat na timbangin kung mas marami ba ang benepisyo kaysa sa panganib.

Pero base umano sa kanyang limitado pagbabasa, nakakatulong ang marijuana para maibsan ang sintomas, pero hindi talaga ito maituturing na gamot sa karamdaman.

“In the synthetic form of Marijuana, there would be benefits, but risks outweigh the benefits,” dagdag ni Duque. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?