13

Sep 13, 2020 @ 17:46
By

DOH budget tagilid dahil kay Duque – Angara

Ang pagtanggi ni Health Secretary Francisco Duque na magbitiw sa kanyang puwesto ay maaring makaapekto sa desisyon ng Senado sa panukalang pondo ng Department of Health (DOH) para sa susunod na taon, ayon kay Senador Sonny Angara.

Bagama’t kailangan aniyang palakasin ang pondo ng DOH sa 2021 para mas makatugon sa hamon ng COVID-19 pandemic, depende aniya ito sa commitment ng ahensiya sa pagtugon sa kahilingan ng mga mambabatas at ng iba’t ibang sektor sa kalusugan.

Sabi ni Angara, chairman ng Senate finance committee, bagama’t nirerespeto nila ang prerogative ni Pangulong Rodrigo Duterte na panatilihin sa puwesto si Duque, patuloy pa rin ang pagpuna ng mga mambabatas sa kanyang mga akisyon sa health care industry gayundin ang papel nito sa isyu ng korapsyon sa Philippine Health Insurance Corp. or PhilHealth.

“Nonetheless, marami tayong hinihingi sa kanya in terms of deliverables and accountabilities. So medyo, palagay ko that will be a factor sa pag-impluwensya ng mga senador kung ano yung budget na ilalaan po sa kanyang department,” pahayag ni Angara sa panayam sa DZBB.

Gayunpaman, sinabi ni Angara na hindi nila isasakripisyo ang pondo sa health program na kailangan ng tao ng dahil lang kay Duque.

“Hindi namin isasakripisyo yung kabutihan ng ating mga kababayan at yung pangangailangan ng ating mga kababayan dito, dahil you’re talking about budget for hospitals, budget for medicine, at yun ay dapat maging propesyunal tayo sa pagtingin diyan despite our reservations regarding the leadership,” sabi ni Angara.

Ang panukalang budget ng DOH para sa 2021 ay P203.74 bilyon kung saan P71.5 bilyon nito ay ilalagak sa kontrobersyal na PhilHealth.

Ayon pa kay Angara, tradisyon na umano sa DOH na hindi nagagamit lahat ang pondong inilaan para sa ahensiya sa buong taon at ang mababang disbursement rate nito ay madalas kinukuwestiyon sa budget deliberation sa Senado.

Ang mababang disbursement rate ay madalas aniyang nakikita sa dalawang programa ng DOH: ang Health Facilities Enhancement Program, na nag-u-upgrade ng mga health facility, at sa Human Resources for Health (HRH).

“Ang sabi nila, kapag tinatanong namin noong nakaraang taon bakit hindi nagagastos yung budget na binibigay dito sa pagha-hire ng health personnel, sabi nila minsan walang nag-a-apply especially sa mga probinsya,” ani Angara.

Dahil ipinagbabawal naman ang pagpapadala ng medical worker abroad, umasa itong magagamit ang naturang pondo sa pag-hire ng maraming doktor at nurse.

“Siguro, as an alternative, baka tignan nila itong mga public positions sa gobyerno na sa ngayon, ayon sa DOH, ay nababakante. Yun sana ang mangyari diyan at ma-fill up na itong mga vacant positions,” ani Angara.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?