46

Jul 17, 2021 @ 15:17
By

DOH: Bisa ng booster shot, inaaral na

Inihayag ng Health Department nitong Sabado na may ilang eksperto sa bansa ang nag-aaral ng mga datos mula sa iba’t-ibang panig ng mundo upang mapag-aralan ang pagiging epektibo at ligtas ng booster shot para sa COVID-19.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sa ngayon ay wala pa namang naipepresenteng matibay na ebidensya ang mga ekspertong nagsasagawa ng pag-aaral.

“Ang gusto lang naman po ng ating gobyerno at ng ating mga eksperto, tayo ay sigurado at may sapat na ebidensya para makapagrekomenda tayo ng booster shots sa ating population,” wika ni Vergeire.

“Ang rekomendasyon po natin galing sa ating eksperto, antayin na lang natin ‘yung full evidence at saka po natin pag-usapan at irekomenda itong booster doses,” dagdag pa ng DOH official.

Kamakailan lamang ay inanunsyo rin ng Health Department na hindi pa inirerekomenda ng mga eksperto sa Pilipinas ang booster shot.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?