61

Jul 17, 2021 @ 9:55
By

DOH: 1 pa patay sa Delta variant

Dalawa na ang namatay dahil sa mas nakahahawang Delta variant sa Pilipinas, ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

Ito ay matapos pumanaw ang 58-anyos na babaeng nagpositibo sa Delta variant, na unang na-detect sa India.

“Mayroon pong dalawang namatay. Actually ‘yung isa ‘yung galing sa MV Athens. Ngayon sa batch na na-detect natin with Delta variant, may isa pong namatay, 58-year-old female,” sambit ni Vergeire sa panayam sa DZBB nitong Sabado.

“Nagkaroon na po siya ng sintomas five days from the time na nagpakonsulta siya at pagdating niya po doon sa emergency room ay malubha na po ang kanyang sakit. At doon na po siya binawian ng buhay,” dagdag niya.

Sabi ni Vergeire, hindi pa nila batid kung bakunado na laban sa COVID-19 ang biktima.

Unang nasawi sa Delta variant sa Pilipinas ang isang 63-anyos na lalaking may hypertension. Isa siya sa seafarers ng MV Athens Bridge.

Noong Biyernes iniulat ng Department of Health ang 16 bagong kaso ng Delta variant sa bansa, 11 ang local case.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?