32

By

DOF ayaw ibaba sa 10% ang VAT

Sharing is caring!

Inayawan ng Department of Finance ang mungkahi ni Senador Ping Lacson na ibaba sa 10 porsyento ang value added tax sa mga produkto at serbisyo na sa ngayon ay 12 porsyento.

Sinabi ni Senador Sonny Angara, chairman ng Senate committee on ways and means, na hindi makapayag ang DOF dahil malaki ang mawawalang kita sa gobyerno.

Ang pagpapababa sa antas ng VAT ay nais ni Lacson na ipaloob sa tax reform bill.

Ayon kay Angara, itinutulak ang tax reform bill para magkaroon ng dagdag na kita ang gobyerno para gamitin sa mga infrastructure projects at iba pang gastusin nito kaya hindi uubra ang pagpapababa sa VAT.

Sa mungkahi ni Lacson, tatanggalan ng exemption mula sa VAT ang 78 sa 143 produkto at serbisyo na nakalistang VAT-exempt para pagbawian ng mawawalang kita ng gobyerno kapag ibinaba ang VAT sa 10 porsyento.

Pero ayon kay Angara, binubuwisan na ang mga dating exempted sa VAT.

Ang tax reform bill ay inaapura ng Senado dahil gusto ng Malakanyang na maisabatas ito hanggang Disyembre upang maipatupad na sa Enero 2016. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?